Bakit Nga Ba Kakaunti Lang Ang Mga Babaeng CEO?

Bagama't maraming babaeng manager sa mga e-commerce company sa Pilipinas, alam niyo ba na kakaunti lamang ang mga nagiging babaeng CEO?

Sa mundo ng e-commerce, kadalasan na babae ang number 1 na mga nagiging customer. Kaya nakapagtataka na ayon sa isang pag-aaral na ginawa ng iPrice group, kakaunti lamang ang mga babaeng CEO pagdating sa e-commerce companies.

Bakit kaya mayroong ganitong uri ng discrepancy? At bakit sa isang industriya kung saan mga babae ang target market, lalaki pa rin ang kadalasang umaangat sa posisyon?

Bakit kakaunti lang ang mga babaeng CEO?

babaeng CEO

Source: pxhere.com

Pagdating sa management role sa top 10 na e-commerce site sa Pilipinas, 55% dito ay mga babae. Sa senior vice-president (SVP) position naman, 56% dito ay mga lalake, at 44% ay mga babae.

Sa mga C-level at pinakamatataas na posisyon, tulad ng CEO, COO, etc., 79% ang mga lalake at 21% lamang ay mga babae.

Ayon sa iPrice, ito ay sumasang-ayon sa resulta ng isang pag-aaral na ginawa ng Pew Research Center. Dito, natagpuan nila na karamihan ng mga babae ay iniiwan ang kanilang trabaho upang mag-focus sa kanilang mga pamilya.

Dito sa Pilipinas, kung saan ang pamilya ang nangunguna, kadalasan babae ang umaalis sa trabaho nila upang alagaan ang kanilang pamilya. Kahit na mataas na ang posisyon niya sa kumpanya, nararamdaman ng mga babae na "responsibilidad" nila ang magfocus sa pamilya.

Pati si Teresita Sy-Coson, na chairperson ng SM Investment Corp at BDO Unibank ay alam ang katotohanang ito.

"Few [career] women only reach the top [of the corporate ladder]. And it’s not because they are not capable, or they cannot break the glass ceiling. Many of the women do not like to break the glass ceiling."

"They always think of their family first which is a very natural, motherly instinct. There is a certain time in the 30s or 40s when they will slow down just to tend to their family," aniya.

Mahalaga ang equality sa workplace

babaeng CEO

Source: pixabay.com

Kumpara sa ibang bansa sa Asya, di hamak na mas maliit ang tinatawag na 'gender gap' sa Pilipinas.

Madalas ring nakakasama ang Pilipinas sa Top 10 ng World Economic Forum annual Global Gender Gap Index. Pero hindi ibig sabihin na walang "glass ceiling" na kinakaharap ang mga babae.

Mahalagang pagtuunan pa rin natin ng pansin ang equality sa workplace. Hindi porke't maliit ang gender gap sa Pilipinas ay dapat natin itong ipagwalang bahala. Ito ay dahil hindi lamang sa posisyon nakikita ang gender gap, ngunit pati na rin sa pakikitungo sa mga babae sa opisina.

Kailangan na ang mga babae sa opisina ay tratuhin ng may respeto at hindi maliitin ang kanilang kakahayan dahil sila ay mga babae. Dito na rin papasok ang pagkakaroon ng mas mabuting maternity benefits para sa mga babaeng gustong magkaroon ng anak at manatili sa kanilang trabaho.

Sana ay dumating rin ang araw na mas mabawasan ang gender gap sa matataas na posisyon sa mga kumpanya. Dahil kung tutuusin, kahit anong kayang gawin ng mga lalake, ay kaya rin namang gawin ng mga babae.


Share: