Para Saan Ba Ang Pagkakaroon Ng Investment?

Madalas naririnig natin ang salitang investment, pero ano nga ba ang silbi nito, at kailangan ba talaga nito? Ating alamin kung para saan ang investment

Madalas naririnig ang salitang investment pagdating sa usapan ng pag-asenso sa buhay. Madalas mo din itong maririnig mula sa mga financial advisor, pati na rin sa mga taong nag-aaral tungkol sa finance at iba pa.

Pero, ano ba talaga ang silbi nito, at paano ka matutulungan ng pag-iinvest?

Ano ba ang investment?

investment

Source: befunky.com

Para sa karamihan ng mga Pilipino, dalawa ang paraan upang kumita ng pera. Una ay ang pagtatrabaho, at pangalawa ay ang pagnenegosyo.

Kadalasan, mas marami ang pinipiling magtrabaho dahil dito, sigurado ang kanilang kita, at walang lugi. Hindi tulad ng pagnenegosyo na minsan mababa ang kita, at pwede ka pang malugi.

Ngunit kung tutuusin, hindi rin panghabangbuhay ang pagtatrabaho. Kapag tumanda na tayo, hihina na rin ang ating mga katawan at paglaon, mapipilitan din tayong mag retire.

Kung hindi na tayo makapagtrabaho, paano natin bubuhayin ang ating sarili at ang ating pamilya? Dito papasok ang konsepto ng investment.

Ang pag-iinvest ay isang paraan upang masiguradong kahit hindi tayo nagtatrabaho, ay mayroon tayong mga assets na magagamit natin upang kumita ng pera.

Ito ay isang uri ng asset na gumagawa ng income, o lumalaki ang value o halaga habang tumatagal. Ibig sabihin nito, kusang kumikita at lumalago ang value ng mga investment.

Mahalaga ito dahil isang uri ng passive income ang investment. Habang tayo ay nagtatrabaho, dapat mayroon tayong invesment na "nagtatrabaho" rin

Kailangan mo ba mag-invest?

Ang pag-iinvest ay siguradong makakatulong sa lahat. Ito ay dahil may potensyal na lumago at lumaki ang perang inilaan mo para dito.

Ngunit, hindi madaling kumita sa pag-iinvest. Hindi naman lahat ng uri ng investment ay siguradong may potensyal na kumita ng malaki matapos ng ilang taon.

Mayroon ding tinatawag na "risk" o posibilidad na malugi o mawalan ng pera. Kaya't hindi basta-basta ang pag-iinvest. Pero kung pag-aralan mong mabuti at intindihin ang risk at kung paano ito mababawasan, wala ka dapat ikatakot!

Mga kailangang tandaan bago mag-invest

Bago kag mag-invest mayroon kang mga bagay na dapat palaging tandaan. Ito ay ang mga sumusunod:

  • Magkaroon ng goals para sa perang plano mong i-invest.
  • Alamin kung magkano ang kaya mong itabi buwan-buwan.
  • Mahalaga ring alamin ang level ng "risk" na komportable ka.
  • Gumawa ng investment plan upang mas mapadali ang pagpili ng product para sa iyong pangangailangan.
  • Matutong mag-diversify. Ang diversification ay ang pagkuha ng iba't-ibang uri ng investment upang bumaba ang risk.
  • Mag-invest lamang ng pera na okay lang sa iyong mawala. Hindi laging magiging successful ang iyong pag-invest, kaya dapat handa ka sa posibilidad na malugi.
  • Maglaan ng oras para sa pag-aaral. Hindi basta-basta ang pag-iinvest. Mahalagang aralin at intindihin ang mga trends upang makasiguradong hindi ka nagtatapon ng pera.
  • Gumastos lamang ng pera na handa kang malugi. Hindi 100% ang kita sa mga investment. At may posibilidad talagang malugi ka. Kaya't dapat gumastos ka lamang ng pera na ayos lang sa iyong malugi o mawala.

Ano ang magandang investment?

investment

Source: pixabay.com

Kung desidido ka nang mag-invest, mabuting malaman mo rin kung anu-ano ang mga magagandang products kung saan pwede kang maglaan ng iyong pera.

Life Insurance (VUL)

Ang pagkakaroon ng life insurance ay isang magandang investment. Ito ay dahil kung may masamang mangyari sa iyo, siguradong makakatanggap ng pera ang iyong mga beneficiary basta ikaw ay nagbabayad sa iyong insurance.

Pero ngayon, mayroong bagong uri ng insurance na tinatawag na VULvariable universal life insurance. Ang VUL ay life insurance na mayroong investment component na lumalago kada taon na iyong binabayaran.

Ibig sabihin nito, habang binabayaran mo ang iyong insurance, naglalaan ka din ng pera patungo sa isang investment. Ang drawback lamang ng VUL ay ang posibilidad na malugi ang investment o kaya naman ay maliit lang ang iyong makuhang pera.

Micro o peer-to-peer (P2P) lending

Ang P2P lending naman ay isang uri ng pagpapautang na mayroon kang kikitaing interes. Iba ang P2P lending dahil ito ay hindi dumadaan sa mga bangko katulad ng ibang loan.

Ang serbisyo na ito ay nakikita online, at sa mga website na ito makakahanap ka ng mga borrower na pwede mong pautangin ng pera.

Sa P2P lending, may risk pa rin na hindi mo makuha ang iyong pera kapag hindi makapagbayad ang iyong pinautang. Kaya't mahalagang pumili ng P2P platform na mapagkakatiwalaan at mayroong magandang reputasyon.

Stocks

Source: pixabay.com

Stocks ang kadalasang iniisip ng mga tao kapag investment na ang pinag-uusapan. Ang stock ay isang share o hati sa pagmamay-ari ng isang kumpanya.

Dahil dito, kapag mas malago ang kumpanya at ito ay umaasenso, tumataas ang value ng iyong stock sa kumpanya. Kapag nalugi ang kumpanya, posibleng malugi ka rin sa iyong nainvest.

Kaya't mahalaga ang tamang panahon kung kailan ka bibili ng stock, at kailan mo ibebenta. Mahalaga rin na alam mo ang galaw ng stock market upang malaman mo ang pinaka-tamang panahon para mag-invest.

Mutual funds/ UITF/ balanced fund

Ang mutual funds ay isang uri ng investment kung saan binibigyan mo ng pera ang isang investment company upang sila mismo ang mag-invest.

Maganda ang mutual funds para sa mga nagsisimula pa lang na mag-invest, dahil kadalasan, mga investment experts ang mga nagpapaikot ng pera na nasa mutual fund.

Kapalit nito, magbabayad ka ng fee para sa kanilang mga serbisyo. Tulad ng iba pang paraan ng pag-iinvest, may posibilidad rin na malugi sa mutual funds o UITF, kaya dapat gumastos ka lang ng pera na hindi mo pagsisisihan.

Small business

Ang pagnenegosyo rin ay magandang paraan upang magkaroon ng karagdagang kita.

Ang kinaganda ng mga small business ay hindi mo kailangan ng malaking kapital upang makapagsimula. Ngunit, dahil ito ay isang negosyo, kailangan mo rin pag-aralan kung paano ito papatakbuhin at papalaguin.

Mahalaga rin ang pagkakaroon ng business savvy sa pagpapatakbo ng negosyo. May posibilidad din na ikaw ay malugi, at minsan nakakapagod rin ang mag-manage ng iyong business, kaya't hindi ito para sa lahat.

Forex trading

Nagtataka ka ba kung bakit napakaraming money changer sa kung saan-saan? Ito ay dahil may potensyal na kumita mula sa pagpapalit ng peso sa ibang currency.

Ang Forex o currency trading ay isang uri ng investment na kung saan ikaw ay mag-iinvest sa mga foreign currency. Kadalasan, dumadaan sa isang broker ang pera na gumagalaw sa Forex, at mabilis ang palitan dito dahil palaging akyat-baba ang value ng pera sa buong mundo.

Tulad ng ibang investment, may potensyal din na malugi sa Forex trading, kaya't mahalagang pag-aralan ito ng mabuti bago ka sumabak sa malakihang investment.