Paano Ba Magfile Ng Income Tax Return?

Mahalaga para sa lahat ang malaman kung paano magfile ng income tax return dahil makakatulong rin ito upang bawasan ang tax na iyong binabayaran taon-taon!

Para sa karamihan ng empleyado sa Pilipinas, ang pagfile ng tax ay ginagawa na ng finance department ng kanilang opisina. Pero hindi maitatanggi na mahalaga pa rin ang matutunan kung paano magfile ng income tax return.

Bakit kamo? Ito ay dahil kapag marunong magfile ng income tax return, mas maiintindihan mo ang buwis na iyong binabayaran. Makakatulong rin ito upang posibleng makabawas sa buwis na iyong binabayaran!

Pero bago ang lahat, alamin natin kung  para saan ang income tax at ang iba pang uri ng buwis na binabayaran natin bilang Pilipino.

Para saan ba ang tax?

paano magfile ng income

Source: flickr.com

Ang tax, o buwis sa Filipino, ay ang ating ibinabayad sa gobyerno kapalit ng kanilang serbisyon. Ang buwis na binabayaran natin ay napupunta sa pagpapatayo ng infrastructure tulad ng kalsada, tulay, etc.

Napupunta rin ang perang ito sa pagpapatayo ng park, sa mga opisina ng gobyerno, at sa iba't-ibang serbisyo ng gobyerno.

Ang buwis rin natin ang nagpapasahod sa mga pulitikong ating binoboto, mga nagtatrabaho sa gobyerno, sa mga pulis, bumbero, guro sa public school, at iba pa.

Kaya't mahalaga ang pagbabayad ng tamang buwis. Dahil kung hindi tayo magbabayad ng buwis, mahihirapang tumakbo ang ating bansa, at lahat tayo ay mahihirapan. Kaya't responsibilidad natin magbayad ng buwis bilang mga Pilipino.

Anu-ano ang mga binabayaran natin na tax?

Maraming uri ng tax ang ipinapataw para sa iba't-ibang mga bagay sa Pilipinas. Hindi lamang income tax ang binabayaran natin bilang mga Pilipino.

Ito ang ilan sa mga uri ng tax o buwis na kadalasan nating makakasalubong sa pang-araw-araw na pamumuhay:

  • Income Tax - Ito ay ang tax na dapat binabayaran ng bawat Pilipinong nagtatrabaho, o kumikita ng income. Ang mga taong kumikita ng minimum wage, o kumikita ng ₱250,000 pababa sa isang taon ay hindi kailangan magbayad ng income tax.
  • Vat Value Added Tax - Ito ay tax na ipinapataw sa ilang produkto na mabibili pati na rin sa mga serbisyo. Halos lahat ng binibili natin na produkto tulad ng pagkain, damit, sapatos atbp. ay mayroong VAT.
  • Withholding Tax - Ito ay binabayaran ng tao o kumpanya na nagpapasahod sa mga tao. Kadalasan ito ay binabawas sa sahod o compensation na ibinibigay sa mga empleyado.

Marami pang ibang uri ng tax na binabayaran sa Pilipinas, ngunit ang 3 ito ay ang pinakamadalas na makakasalubong ng mga regular na mamamayan.

Paano magfile ng income tax return?

paano magfile ng income

Source: pixabay.com

Kadalasan, ang mga kumpanya na ang nagbabayad ng buwis para sa kanilang mga empleyado, kaya't maraming tao ang hindi marunong kung paano magfile ng income tax.

Pero hindi naman porke't ito ay ginagawa na ng ibang tao para sa atin ay hindi na natin dapat alamin kung paano ito gawin. Mahalaga ang kaalaman na ito dahil mas magkakaroon tayo ng pag-unawa sa binabayaran nating buwis. Ito rin ay makakatulong upang bawasan natin ang buwis na binabayaran natin!

Pero paano nga ba magfile nito?

Ito ang mga hakbang sa pagfile ng income tax return:

  1. Alamin kung anong form ang iyong kailangan. Para sa mga empleyado na kumikita ng pure compensation, kumuha ng Form 1700 sa BIR. Para naman sa mga self-employed, Form 1701 ang kailangan.
  2. Piliin kung online o manual payment ang iyong gagawin. Ang online payment ay magagawa sa www.bir.gov.ph kung saan lahat ng pagfile at ang pagbabayad ay isasagawa online. Lahat ng kailangan mo ay nasa website ng BIR.
  3. Para naman sa manual payment, pwede itong gawin sa Authorized Agent Bank na malapit sa inyong lugar. Ang deadline para dito ay April 15 taon taon.
  4. Basahing mabuti ang instructions sa form at gumamit ng itim na bolpen at gumamit ng capital letters sa pag fill out ng form. Huwag gumamit ng check mark, at gumamit sa halip ng X kung kinakailangan.
  5. Kailangan mo din ang iyong TINTax Identification Number sa pagfile ng income tax.
  6. Mahalaga rin na magcompute kung magkano ang iyong kailangang bayaran na tax. Dito papasok ang mga tax table at tax calculator na siguradong makakatulong sa pag compute ng iyong babayarang buwis.
  7. Kapag tapos na ang form ay pwede ka nang pumunta sa Authorized Agent Bank
  8. Siguraduhing magfile ng maaga upang hindi magbayad ng mga karagdagang penalty.
  9. Kapag tapos na ang pagfile ng tax, ay bibigyan ka ng stamped at validated na form.

Mga ilang dapat tandaan sa pagfile ng income tax

  • Siguraduhing tama ang impormasyon na ilalagay sa inyong form, lalong lalo na pagdating sa halagang dapat niyong bayaran.
  • Mabuting gawin ng maaga ang pagfile ng tax upang hindi maghabol pagdating ng deadline.
  • Hindi mahirap malaman kung paano magfile ng income tax. Kailangan lang sundin ang mga instructions sa form, at wag mahiyang magtanong o humingi ng tulong.
  • Pwede ka rin gumamit ng online services tulad ng taxumo.com upang madali ang pagfile ng income tax.